28 years old na ako. Ang bilis ng panahon, parang kailan lang ako nagbente-uno. Pero ok lang naman, mukha pa rin naman akong bente kuwatro, kalabaw lang talaga ang tumatanda.
Sinubukan kong i-compute ang mga nagdaang taon at edad ko kung gaano ba kabilis o kabagal ang takbo ng career ko sa corporate world na pinili ko. Naaalala ko noon (noong nag-aaplay ako ng trabaho at tatlong buwan akong bakante dahil sa biglaan kong pag-resign sa una kong trabaho), may nakilala akong kasabayan mag-aplay, mga 29 years old na yata yung lalakeng yun, kamukha ni Jon Cabron. Tapos nagka-kwentuhan kami, nung nalaman nya na bente tres lang ako, sinabi nya saken na hindi na niya maaalala kung anong nangyari sa buhay niya sa loob ng dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t walong taon niya. Bigla na lang lumipas ang panahon nang napakabilis at agad-agad siyang napag-iwanan ng kanyang mga pangarap. Mga pangarap na noo’y papahinog pa lang subalit hindi na rin nagkatotoo. Ilang taon siyang hindi nagtrabaho noon. Pagkatapos ng usapan naming yun, may inerekomenda pa syang kumpanya na aplayan ko raw dahil naghahanap ito ng mga writers. Natandaan ko yung pangalan ng kumpanya, at mga ilang taon matapos ang munting pag-uusap namin noon, aksidenteng nakapasok ako dun sa kumpanyang sinasabi niya.
Sinabi ko rin sa sarili ko na kailanman ay hindi ako matutulad sa lalaking yun na napag-iwanan ng kanyang panahon, na hindi ko sasayangin ang mga taong lilipas sa buhay ko para lang sa wala. Ngunit nagkamali ako, natulad din ako sa kanya. Hindi ko alam kung anong nangyari, basta parang lumipas na lamang yung ilang taon sa buhay ko na wala akong natutunan o napala man lang. Parang bulang naglaho lang yung mga lumipas na taon, at gaya niya, hindi ko na rin alam kung saan napunta yung mga edad kong yun, o may nagawa man lang ba akong sobrang maaalala ko pagtanda ko.
Ang naaala ko lang din dun sa munti naming usapan, nag-aaplay kami sa isang pipitsuging kumpanya sa Makati kung saan mag-eedit kami ng mga porn films. Ang saya sana kaso di ko tinanggap yung trabaho kasi natakot ako dun sa magiging amo ko na kano dahil habang iniinterbyu niya ako e natapat saken yung monitor ng pc niya tapos may nagkakangkangan na dalawang lalaki.
28 years old na ako pero pakiramdam ko wala pa rin akong nasisimulan at natututunan sa buhay. Hindi ko pa rin nakakamit talaga yung mga dapat na meron na ako ngayon sa edad ko. Siguro isang malaking bagay na humadlang saken para makuha yung mga yun ay dahil maraming opurtunidad akong pinalampas nung medyo bata pa ako. Nung nag-quit ako nun bilang Associate Trainer sa unang kumpanyang pinasukan ko. Marami rin sana akong lugar na mapupuntahan noon at iba’t-ibang lahi ng tao na makikilala pero pinakawalan ko lang yun. Nakakatuwang isipin na yung mga trainees ko noon e mas mataas na posisyon ang hawak nila ngayon kesa saken. Somehow, masarap isipin na naging parte ako ng pag-unlad ng mga taong yun. Ilang beses na rin akong inalok na maging Team Leader sa iba’t-ibang shit na pinasukan ko pero hindi ko rin pinatulan. Ayaw ko ng responsbility pansamantala. Na-trauma ako dahil na rin nung pinatalsik ako sa eskwelahan na pinagturuan ko. Ayun, yung mga batchmates ko lang yung nakakuha ng promotion. At ako, isang dakilang team member na handang umabsent kahit kelan ko gustuhin at walang ibang taong poproblemahin.
Nagsisisi ba ako sa mga nangyari? Aaminin ko na oo, dati naramdaman ko yun, lalo na yung mga panahong naghahagilap ako ng self-confidence o self-worth para sa sarili ko. Dahil na rin sa mga ganung pangyayari, halos lahat ng mga sumunod kong trabaho e hindi ko na binibigay ang isandaang porsyento ko. Nawalan ako ng gana. Bakit ko kailangang pagtuunan ng pansin ang trabaho kung alam ko namang hindi ito pangmatagalan o wala akong interes sa ginagawa ko. Yun na rin marahil ang nakita ng mga dati kong boss sa akin. Kaya nga yung iba, walang bilib sa mga ginagawa ko. Makikita niyo yung sa mga previous post ko tungkol sa trabaho bilang editor/writer.
Ngayong 28 years old na ako handa na akong harapin ang panibagong takbo ng career ko sa corporate world. Magsisimula na ako sa bago kong kumpanya na sa tingin ko ay handang ibigay ang mga kailangan ko mentally and financially. At tingin ko, mas magiging masaya na akong muling gamitin ang isandaang porsyento ng talento ko at sa abot ng aking makakaya. Isang simulang magbibigay sa akin ng panibagong self-confidence. Sana lang talaga kayanin ko ang mga hamon na ibabato saken ng bagong trabaho na yun. So help me Baby Jesas.
28 years old na ako, at ngayon ko lang naintindihan kung bakit masayang i-celebrate ang birthday. Dati kasi wala akong pakialam sa birthday at bakit kailangan pang pag-aksayahan na ipagdiwang yang mga ganyan. Ngayon, kasama ng pamilya ko at sampu ng mga taong mahahalaga saken, napakasarap pa lang marinig ang ‘happy birthday to you’ habang kumakain ng simpleng spaghetti at cake. Na sa kabila nga kabi-kabilang sakit na nararamdaman mo sa katawan, sa hirap na ibinigay ng nagdaang taon, sa mga nangyayari sa lipunan at sa buong mundo, sa lungkot at ligaya na ibinahagi sa iyo ng buhay, masayang isipin at gunitain na naka-survive ka na naman ng isang taon sa buhay mo. At laging andyan lang mga taong nagmamahal sa iyo na handang alayan ka ng ngiti at pagmamahal sa umaga, at pagdating ng gabi lagi silang nakaabang sa iyong pagdating na may handog na yakap at halik. Masarap mabuhay, dahil alam mong maiksi lang ito pero masaya at makubuluhan dahil meron ka ring pinag-aalayan.
28 years old na ako at ilang taon na lang ay wala na ako sa kalendaryo. Pero bago pa man dumating ang panahon na yun, sisikapin kong abutin at gawin ang mga bagay na ninanais ko para sa akin at para sa aking pamilya. Alam kong sa simula ang napakahirap na yugto ng bagong karera na tatahakin ko, pero tingin ko kakayanin ko naman. Handa na ako.

7 Comments

  1. Posted February 26, 2012 at 6:27 am | Permalink

    happy birthday parekoy!

    • Jeck
      Posted February 27, 2012 at 4:00 am | Permalink

      salamat parekoy! mwahugz!

  2. Posted February 27, 2012 at 10:02 am | Permalink

    tanggap lang ng tanggap ng hamon habang bata ka pa dahil habang bata ka pa nasa iyo pa lahat ng karapatan para pumalpak at mabigo. ‘wag mong pagsisihan at basta itapon na lang ‘yung mga maling desisyon na nagawa mo nung dati, hindi man sila makadagdag sa kung anong uri ng tao ka ngayon kabawasan naman sila sa mga bagay na kailangan mo pang subukan sa pangkasalukuyan. bawas stopover kumbaga. *kusot sa buhok at himas sa likod*

    maligayang kaarawan!

    • Jeck
      Posted February 28, 2012 at 11:51 pm | Permalink

      sobrang kinilig ako sa comment mo na ‘to. aminin mo saken, ikaw ba talaga yung nakausap ko noon sa makati? haha. nung una kitang nakita naisip ko na pamilyar saken yung hitsura mo e. pero nabura yung iniisip ko nung hinatid mo pa ako nun sa sakayan ng jeep at nagtiyagang hinintay na umandar yung sinasakyan ko. hihi

      salamat sir. babaunin ko ‘tong payo mo habang buhay. :)

  3. Posted February 27, 2012 at 10:07 am | Permalink

    pibeerday ser! hindi ko alam na kamuntik ka na palang maging editor ng porn films. nomnomnom! \m/

    • Jeck
      Posted February 28, 2012 at 11:53 pm | Permalink

      hmmmm video editor yata yung papasukan ko, pero ilang buwan muna akong walang matinong sahod. ang cheap nung company e tsaka mukhang anytime pwedeng i-raid ng imbestigador. LOL

      salamat pareng aliso… LIO!

  4. Posted March 16, 2012 at 3:50 am | Permalink

    piberdei kuya.. :D

    may pulang kabayo ba hehe..:D

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>