Lubak-lubak na kalsada ang binabagtas ng dalawang gulong ng bisekleta ni Jared. Marahan ang kanyang pagpapatakbo sapagkat medyo madilim pa ang paligid. Ilang beses na rin siyang kamunti-muntikang sumemplang dulot ng mga hindi inaasahang lubak sa kalsada. Hindi lalampas sa sampung kilometro ang layo ng kanyang boarding house sa kanyang pinagtatrabahuhan, tamang-tama lang sa araw-araw na distanyang kinakaya ng segunda manong bike na nabili n’ya sa isang kakilala. Magtatatlong buwan na rin simula noong nag-umpisa si Jared sa kanyang bagong trabaho. May kaunting kahirapan ang trabahong ito pero wala naman siyang ibang pwedeng pasukan kaya’t dito na muna siya magtityaga. Nakakapagtakang malaman na sa kabila ng panahong naigugol niya sa pagbibisekleta nang paroot-parito mula sa kanyang boarding house hanggang sa trabaho ay hindi pa rin niya nasasaulo ang mga lubak sa kalsada.
Marahil maraming bagay siyang naiisip sa biyahe sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga lubog at bukol. Tuloy, madalas pa rin siyang matisod at sumemplang sa daan. Ngayong umagang ito, may napakalalim siyang iniisip. Isang text message ang natanggap niya na nagmula sa kanyang ina, limang minuto bago siya umalis sa kanyang tinutuluyan. Limang salita lamang ang nilalaman ng maiksing text message na iyon, subalit lubos itong nagpagulo sa kanyang damdamin at isipan. Isang masamang balita na nagpatigil ng kanyang mundong ginagalawan. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot sa kanyang ina. Matagal niyang pinag-isipan kung liliban muna ba siya sa trabaho at uuuwi agad upang pawiin ang lumbay ng kanyang ina o gumawa ng kahit ano’ng walang kabuluhang bagay para lang mapahinto muna ang naguguluhan niyang mundo.
“Anak ng…!!!” ang tanging naisigaw ni Jared nang muntikan na siyang mabangga ng biglang sumulpot na jeep mula sa kadiliman. Walang ilaw ang rumaragasang jeep kaya’t hindi niya agad ito napansin. Mabilis pa sa alas-kwatro niyang ibinaling pakanan ang manibela, at dahil pudpod na ang preno ng kanyang bisekleta, tuloy-tuloy siyang dumiretso sa mga punong nakabakod sa gilid ng daan. Swerte na rin at nakatalon na siya bago pa man bumunggo ang bisekleta sa isang puno. Wala siyang nagawa kung hindi pulutin ang kanyang bisekletang meron na ngayong otsong gulong, at sinimulan niyang lakarin ang natitirang distansya papunta sa kanyang trabaho.
Halata ang pagkabalisa ni Jared sa oras ng trabaho. Makailang beses siyang nagtanong sa mga customer at nakailang ulit din siyang nag-abot ng maling sukli. Agad naman itong napansin ng kanyang mga katrabaho kaya’t hindi sila nagatubiling tanungin siya kung ano ang gumugulo sa kanyang isipan. Dahil likas sa kanya ang pagiging mahiyain at malihim, kibit balikat lamang ang kanyang naisagot. Sa loob-loob niya, makakaya pa niyang sarilinin ang problemang dinadala. Kaya pa niyang kimkimin ang bigat na nadarama. Sa bagay, nasanay na rin naman siya sa buhay na nag-iisa. Matagal na panahon na rin naman niyang napaghandaan ang ganitong problema kaya’t alam niya dapat kung paano ito malalampasan. O kailangan ba talagang lampasan o pabayaan na lamang? Ang tanging kailangan niya sigurong intindihin ngayon ay kung paano ito hinaharap ng kanyang ina. Alam niyang hindi matibay ang loob nito at kailangan ngayon ng kasama ng matanda. Ang plano niya, tatapusin na lamang niya ang buwang ito at pagkatapos niyang makuha ang sweldo ay bibyahe agad siya pauwi sa kanila. Makakapaghintay ang suliranin sa buhay, magtitiis na lang muna siya sa ngayon.
Pagkatapos niyang mananghalian ay balik na naman siya sa kanyang trabaho. Tuloy-tuloy lang ang kayod. Maya-maya, may customer na dumating na lubos na nagpaliwanag ng kanyang araw. Isang dalagang regular customer at si Jared mismo ang madalas na nag-aasikaso. Siya si Carla. Maputing babae na may mahabang buhok, balingkinitan ang katawan, singkit ang mga mata. May halimuyak na parang nag-iisang bulaklak sa parang. May ngiting anghel na kayang ibaon sa limot lahat ng pagod na nararamdaman niya sa trabaho. Mabait sa kagaya niyang trabahador lamang. Puwede niyang mahalin pero imposibleng maligawan.
“Full tank ulit, Jared.” nakangiting utos ni Carla sa kanya.
“Yes, Ma’am Carla.” Sinuklian niya rin ng ngiti ang dalaga.
Saglit niyang iniwan ang sakit na nararamdaman at nagtatalon ang puso niya sa tuwa nang inabot niya ang sukli kay Carla at bahagya niyang nahawakan ang mga kamay nito.
“Thank you, Ma’am. Ingat po kayo sa pagmamaneho.”
“Salamat. H’wag mo na kasi ako i-ma’am, parang tanga ‘to. Hindi mo naman ako amo e.”
Matapos silang magngitian, umalis na ang dalaga at nagpatuloy si Jared sa ibang customer.
Dahil sira pa ang kanyang bike, ang tanging paraan para makauwi siya ay ang pagsakay sa jeep at paglakad ng ilang kilometro para makarating sa kanyang tinutuluyan.
Pagkababa niya ng jeep, nagsisimula nang dumilim nang inumpisahan niyang maglakad. Medyo kakaunti ang dumadaan sa masukal na kalsada na kanyang tinatahak. Sa kaliwa at kanan ng lupang daanan ay may mga matatas na talahib. Hindi pa gaanong naaayos ang kalsadang ito kaya naman madilim at madalas magkaroon ng holdapan o sakuna. Nasa kalagitnaan na siya ng mahabang kalsada nang mapansin niyang may nakahintong kotse sa hindi kalayuan. Mukhang may nasiraan ng makina. Binilisan niyang maglakad upang magbigay kaagad ng tulong. May sampung talampakan na lamang ang layo niya sa kotse nang may grupo ng mga binatilyo na lumapit sa sasakyan. May mga dalang baseball bat at patalim ang mga binata. Kinabahan siya ngunit pinagpatuloy ang paglalakad. Mas lalo siyang kinabahan nang makita niyang kotse ni Carla pala ang nakaparada sa gitna.
“Tulooooooong!” matinis na sigaw ni Carla habang nagpupumiglas sa hawak ng mga binata.
“Pusanggala! H’wag ka nang sumigaw, walang makakapansin sa’yo dito. Hahahahaha!” sabat ng isang lalake.
“Bakit hindi kayo pumatol sa kasinglaki niyo?” Walang takot na paghamon ni Jared.
“Jared!” takot na bati ni Carla.
“Aba p’re, mukhang hindi mo alam ang gulong pinapasok mo? Ang tapang mo ah!” pagbabanta ng matabang bansot sa grupo.
“Alam ko. Kaya nga ako nandito. E kayo, matatapang ba kayo? Bakit nagtatago kayo sa likod ng mga armas ninyo? Tsaka bakit ang dami niyo? Anak ng tsonggong hikain naman oh. Kung talagang matapang kayo, lumaban kayo nang patas.”
“O sige, walang makikialam. Ako lang ang uupak sa ungas na ‘to. Tuturuan ko ‘to ng leksyon.” Matapang na pag-uutos ng lider ng grupo.
“Ayan, matapang lang kayo dahil marami kayo e. Ang tunay na lalake, hindi na kailangang sumali sa mga gang-gang na ‘yan.”
“Ang dami mong satsat. Suntukan na!”
Hinubad niya ang kanyang t-shirt at nagtungo sa gitna ng bilog na binuo ng grupo, kung saan naghihintay ang kanyang kalaban. Hindi pa man siya humihinto sa paglalakad ay sinuntok na agad siya ng lider. Sa kabutihang palad, mabilis siyang nakailag at daplis lang ang tumama sa kanyang pisngi. Kailangang mag-ingat, ang tanging naibulong niya sa kanyang sarili. Sanay na sanay siya sa ganitong mga basag-ulo. Doon sa kanilang probinsya kung saan siya lumaki, hinahasa ang mga bata para maging magsasaka, guro, o boksingero. Kaya naman alam niya kung paano makipagsuntukan. Nang makita niyang nasa loob na ng kotse si Carla habang pinapanood ang laban ay tsaka pinalagutok ang mga buto sa daliri at umamba. Sumuntok na naman ang kanyang kalaban na mabilis niyang nailagan ulit, sabay pakawala ng kaliwang suntok sa tiyan ng kalaban. Napakapit ito sa tinamaang parte. Sinundan niya ng diretsong kanan sa mukha. Naramdaman niyang nabasag ang buto sa ilong ng kalaban, pero hindi ito natumba o huminto man lang. Sinipat niya muna kung susuntok pa siya nang laking gulat niyang nagpakawala ito ng suntok diretso sa kanyang kaliwang mata. Ngunit hindi siya nasaktan, walang lakas ang suntok na tumama sa kanya. Naririnig pa niyang sumisigaw si Carla kung ayos lang ba ang lagay niya. Sa sandaling naidilat niya ang kanyang mata ay tsaka siya nagpagkawala ng sunud-sunod na suntok. Mala-FPJ niyang ginulpi ang kalaban at parang galit na galit na tigre ang pinapatama niyang mga bigwas at upak. Sa mga sandaling iyon niya naibuhos ang lahat ng galit na ilang taon na rin niyang kinikimkim. Ang galit niya sa mundo, sa buhay, at sa tatay niya. Duguan na ang kalaban ng marinig niyang may tinig ng babaeng sumisigaw.
“Tama na!”
Itinigil niya ang pagsuntok at napatingin siya sa paligid. Tulala ang miyembro ng grupo dahil hindi sila makapaniwalang nabugbog ang taong hinahangaan nila. Tinulungan nila ang kanilang lider na tumayo at may panlulumo silang naglakad palayo. Dumiretso siya kay Carla.
“Pasensya na po kayo, Ma’am Carla.”
“Ah eh, wala ‘yun Jared. Salamat at iniligtas mo ako sa kanila. Nasaktan ka ba?”
“Hindi naman po, Ma’am. Mabuti na lang at saktong napadaan ako dito. Ano ho bang sira nitong sasakyan niyo?”
“Na-flatan ako. Aayusin ko nga sana e kaso dumating ‘yung mga ulupong na ‘yun.”
“Tulungan ko na po kayo, Ma’am.”
“Sige salamat. Carla na lang sabi e.”
Pagkatapos niyang ayusin ang kotse ni Carla, ang dalaga na mismo ang nagpresinta na ihatid siya sa kanyang tinutuluyan. Hindi na rin tumanggi ang binata dahil pagod na rin siya sa mga pangyayari. Sasakay sana siya sa likuran ngunit pinilit siya ni Carla na tumabi sa kanya. Napansin agad ni Jared ang ilang librong nakasalansan sa upuan ng kotse.
“Aba, ma—Carla, mahilig ka palang magbasa ng libro?”
“Libangan ko na rin ang pagbabasa.”
“Puro Ingles pa ito ah.”
“Mahilig ka rin bang magbasa ng mga ganyan?”
“Hmmmmm… minsan lang po. Kung hindi niyo naitatanong e mahilig po akong magbasa at magsulat.”
“Naks. Ayos ka rin pala e. Akala ko wala kang hilig sa mga ganyang bagay.”
“Nabasa ko na ho ‘tong The Great Gatsby. Sobrang ganda ng librong ‘to.”
“Talaga? Ang galing ah. Naka-relate ka ba kay Jay dyan?”
“Hmmmmm… hindi naman siguro naka-relate pero lahat naman yata ng lalake may ganung pinaglalaban at adhikain. Nakakaiyak lang ho ‘yung ending. Ano pong masasabi niyo sa istorya nun?”
“Tungkol sa istorya? Hindi ko alam e. Maraming analyses ang lumabas tungkol sa istorya n’yan pero hindi naman kasi ako nagbabasa ng libro para i-over analyze. Basta binasa ko at may natutunan akong bago. Hindi ko na rin kailangang makita kung predictable ba ang isang istorya o hindi, o ikumpara ang isang nobela sa isa pang nobela. Basta nabasa ko, masaya na ako.”
“Nabasa niyo na po ba ‘yung Noli Me Tangere at El Fili?”
“Hindi pa rin.”
“Sayang po, Ma’am. Maganda rin basahin ‘yun.”
“Sige, babasahin ko rin ‘yung mga ‘yun.
Ibinaba ni Carla si Jared mga tatlong kanto ang layo mula sa boarding house na tinutuluyan ng binata. Nahihiya kasi si Jared na makita ng dalaga ang hitsura ng tinutuluyan niya. Nagpaalam sila sa isa’t-isa na puno ng pasasalamat at pagkakaibigang nadagdagan ng mga istorya sa librong nabasa nila.
Sa boarding house, natagpuan ni Jared ang kanyang roommate na si Francis na umiiyak. Nang mapansin ni Francis ang kanyang pagdating ay agad itong nagpunas ng sipon at luha sa mukha.
“Ano’ng problema, brad?”
“Wala.”
“Dyosporsanto, Francis, kitang-kita ko kanina na humagulgol ka dyan.”
“Si Jessica kasi e.”
“O ano’ng meron kay Jessica?”
“Niloko ako, pre!”
“Pusang-ama?! Totoo ba ‘yan?”
“Oo, nakipag-break na nga sa akihgnghuuhuhuhuhu…”
Si Jessica ay isang nurse na katulad ni Francis. Pitong taon na silang magkasintahan. Noong nagkaroon ng pagkakataong mangibang bansa si Jessica ay nagpasya silang dalawa ni Francis na maiiwan muna dito sa bansa ang isa habang makikipagsapalaran ang isa upang makapag-ipon agad sila at makapagpakasal. Subalit iba ang naging takbo ng pag-iibigan nilang dalawa. Katulad na rin ng mga nauna, marami ang tukso kapag nagkakalayo ang dalawang nag-iibigan. Siguro, isa itong paraan ng pagsubok ng Diyos kung gaano katatag ang pagmamahal ng isang tao, o kung gaano katanga ang pagtitiis sa ngalan ng distansya at sariling pagpapasaya sa sarili. Naawa si Jared kay Francis dahil alam niya kung gaano kamahal ng kaibigan niya si Jessica. May mga sandaling naabutan niyang tinitingnan lamang ni Francis ang larawan ng kasintahan habang nagpapatugtog ng “Umuwi ka na baby” ng Orange and Lemons. Minsan, nahuhuli pa niyang umiiyak ito habang inaamoy ang iniwang panty ng nobya. Sadyang mahirap ang nag-iisa, at mas mahirap kung malalaman mong may iba nang humahalik, yumayakap, at nagmamahal sa isang taong pinakamamahal mo.
“Ano’ng balak mong gawin ngayon, pre?”
“Maglalasing ako.”
“Naku, alam mo naman na hindi ako nainom e.”
“Sinabi ko bang isasama kita? Dito ka lang. Ako lang ang iinom, maghahanap pa ako ng babae. Makikita ng Jessica na ‘yun!”
“Pasensya ka na, pre, ‘di talaga kita masasamahan ngayon.”
“Ok lang saken ‘yun, pre. Sige, aalis muna ako. Kapag hindi ako umuwi mamaya dito baka dumiretso na lang ako sa amin. Doon na lang muna ako magpapalipas ng sama ng loob.”
“Sige.”
“Sige.”
Nang tumahimik na sa loob ng kwarto at tanging anino na lamang niya ang kanyang kasama tsaka niya lang ulit napagtuunan ng pansin ang text message ng kaniyang ina. Binasa niya ngayon ng malakas ang mensahe:
Wala na si ama mo.
Sumandal siya sa dingding at sinubukan niyang pigilan ang pagsuko sa kalungkutan.
Nasa isang birthday party siya ng kung sinong bata sa kanilang lugar. Mukhang mayaman ang birthday celebrant dahil sa napakaraming mesa ang nakaayos at sa gitna ay may payaso at mga regalo at malaking-malaking cake. Masayang-masaya siyang kumakain ng pansit at lumpiang shangahi habang winawasiwas niya ang kanyang mga paa sa hangin. Isusubo na sana niya ang natitirang shanghai sa kanyang plato nang maramdaman niyang may humampas sa kanyang kanang binti. Tiningnan niya sa ilalim ng mesa kung sino ang may sala at nailuwa niya ang pansit sa kanyang nakita. Galit na galit na nakatingin sa kanya ang kanyang ama. Ayaw na ayaw nitong makita siyang naglalaro habang kumakain. Kapag kain, kain lang. Kapag tulog, tulog lang. Walang ibang dapat gawin na maging kahit pagkuyakoy ay bawal.
Nakangiti siyang naglalaro gamit ang straw at dinikdik na bulaklak ng gumamela na may halong sabon at tubig. Tawa lang siya nang tawa habang nagpapalobo nang biglang may sumitsit sa kanyang likuran. Paglingon niya ay isang malaking unan ang humampas sa kanyang mukha. Natutulog pala ang kanyang ama nang magising ito dahil sa kanyang malakas na pagtawa.
Hindi niya malaman kung ano’ng nangyayari sa labas. Nasa loob siya ng isang sako na nakasabit sa sanga ng puno. Naririnig niya lamang na minumura siya ng kanyang ama at nararamdam niyang magiging malupit ang mga susunod na sandali. Isang palo sa kanyang likod ang kanyang naramdaman. Napigting siya sa sakit at napahawak sa parte ng katawan niyang tinamaan ng dos por dos. Sumisigaw siya ng tama na habang sunod-sunod na palo sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan ang kanyang tinatanggap.
Nag-aabang siya sa labas ng kanilang lumang tahanan sa probinsya. Pinakikinggan niya ang pag-aaway ng kaniyang ama’t-ina na ilang oras na ring binibingi ang kanyang tenga. Gabi na at sa tansya niya ay lumagpas na ang oras ng hapunan dahil na rin sa kanina pa kumakalam ang kanyang tiyan. Naririnig niyang umiiyak ang kanyang ina at nagmamakaawang huwag umalis ang kanyang ama. Kahit duguan na ang mukha ng kanyang ina, batid pa rin ni Jared na lubos ang pagmamahal nito sa nag-iisang haligi ng kanilang tahanan. Nakakuyom ang kanyang mga palad sa bawat aray na namumutawi sa kanyang pinakamamahal na ina habang suot-suot niya ang medalyang natanggap kanina sa Quiz Bee sa eskwelahan. Lumayas ang kanyang ama at simula noon ay hindi na niya ulit ito nakita.
Pumasok siya sa bahay upang tulungan ang kanyang ina subalit biglang naging matahimik ang paligid at tila baga naglaho ang mga tauhan na kanina pa niya pinakikinggan.
Madilim ang buong kabahayan. Nakinig siyang mabuti at nakiramdam. Tanging paisa-isang patak ng naiwang bukas na gripo ang naririnig niya sa paligid. Hinanap niya sa bawat kwarto ang kanyang ina. Ngunit pagbukas niya ng pinakahuling pinto ay natagpuan niyang nakahundasay ang kanyang ama. Kahit madilim ay naaninag niyang matanda na ito dahil sa kakaunting puting buhok sa ulo at payat na pangangatawan. Sinubukan niyang lumapit nang maamoy niya ang masangsang na amoy na nagmumula sa bangkay ng kanyang ama. Punum-puno ng uod ang mukha nito na lumalabas sa lahat ng butas. Tumayo ang mga balahibo niya sa katawan. At sa gitna ng madilim na kwarto at ng namayapa niyang ama, naramdaman niya ang pagsisisi at panghihinayang sa lahat ng mga panahong hindi niya naramdaman ang pagmamahal at pag-aaruga ng isang ama. Mga blankong panahon na tuluyan nang nawala at hindi na maibabalik dahil sa mga kasalanang iniwan ng taong tinitingala niya bilang tagapagtaguyod ng kanilang pamilya. Ang kanyang ama na labis niyang kinamumuhian noon pa.
Sa mga sandaling iyon, naisip niyang balewala na ang mga palo, ang mga suntok at mura, ang mga pagdisiplinang kanyang natanggap, basta’t huwag lamang silang iwan ng kanyang ama. Tahimik niyang inasama na sana sa bawat okasyon at yugto ng buhay niya ay may isang mamang laging nakaantabay sa kanyang natatamasang tagumpay, na laging handang bigyan siya ng kahit isang tapik sa balikat man lang, o kahit man lang mga katagang nagsasabing “Ako ang ama ng batang ‘yan”. Nawala na lahat ng mga panahong iyon, dahil wala na ang kanyang ama.
Paalis na siya ng kwarto nang marinig niya ang katok sa may pintuan. Pagbaling niya sa likod ay nakita niyang nakangiti ang kanyang ama na wariy nagbalik sa edad kung kailan sila iniwan nito. Masayang naghihintay ng yakap mula sa kanya. Nabitiwan niya ang hawak niyang medalya sabay patakbong niyakap ang lalaking matagal na niyang hinihintay na bumalik. Mahigpit na yakap ang iginanti nila sa isa’t-isa.
“Patawarin mo ako, anak.” Naramdaman niyang pumatak ang luha ng kanyang ama sa kanyang balikat.
“Tay, mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal ka namin ni Nanay.”
“Alam ko, anak, alam ko.”
Mahigpit ang yakap niya sa kanyang unan na kanina pa basa sa kanyang luha. Nagising siyang mabigat ang kanyang dibdib at may kahirapang huminga. Nang maalimpungatan ay tsaka siya nagdasal at hinayaang tumulo ang luha sa abot ng kanyang nadarama.
Maagang gumising si Jared ngunit hindi para pumasok kung hindi para magpaalam sa kanyang boss na hihingi muna siya ng ilang araw na leave. Wala pa rin si Francis kaya naisip niyang umuwi na lang ang kaibigan sa mga kamag-anak nito. Nagsimula siyang gumayak at tinungo ang lubak-lubak daan patungo sa sakayan ng jeep.
Pagdating niya sa trabaho ay saktong nandoon si Carla at mukhang kanina pa siya hinihintay.
“Aalis na ako. Gusto ko lang magpasalamat ulit sa iyo at magpaalam.”
“Hah? Saan ka naman pupunta?”
“Sa Singapore, doon na ako magtatrabaho. Tatlong taon din akong mamamalagi doon.”
“Mabuti ka pa. I-hug mo ako kay Merlion kapag nagkita kayo ah?”
“Oo ba, pero hug mo muna ako.”
Hindi pa nakaka-oo si Jared nang walang anu-anong siyang niyakap ni Carla.
“Ma-mi-miss kita, Carla.”
“Sus. Bolero. Kita-kits na lang tayo sa finals. Goodluck sa iyo, alam ko naman malayo ang mararating mo.”
Ngiti na lamang ang kaniyang naisukli sa magandang binibini.
~~~000~~~ Makalipas ang apat na taon ~~~000~~~
Binabaybay ni Jared ang napakahabang highway habang tumutugtog ang “Two of Us” ng bandang The Beatles sa MP3 player ng kanyang sasakyan. Ibinababa niya ang bintana ng kotse upang hayaang makapasok ang hangin at dumampi sa kanyang mukha. Sinuot niya ang aviator sa kanyang mga mata at ngumiti parang ewan. Mga ilang kilometro pa, huminto muna siya sa mga establisamentong nakalinya sa may gilid ng highway para makapagpahinga saglit at magpakarga ng gasolina.
(This is my entry to The Gasoline Dude’s Blogversary Writing Contest. Gusto kong mapanalunan ‘yung 1TB Portable Hard Drive! So help me, Papa Jesas!)
11 Comments
isa pa itong finalist! kayo na talaga!
salamat! sana manalo ako kahit t-shirt lang. lols
panalo..
panalo na kayo ni lio ahaa
mag pa happy horse kayo ha haha..
sana manalo. hahahaha!
si lio ang sabihan mong manlibre.
binasa mo ba ng buo?
uo binasa ko ng bongga.. parang piling ko nga ung gerlet ung dati mong dapat liligawan ginawan mo sya ng kwento at ikaw si jared.
may nanalo na ba??
putangina, mas mahaba pa sa tite kong maugat. mamaya ko na lang babasahin, jeck. kakain muna ‘ko.
ang masasabi ko lang eh, “tayo-tayo rin ang magkikita sa finals.” hehe.
nabasa ko na. putik, ang haaaaaaaaba. ang masasabi ko lang eh nakaka-trauma talaga pag binitin ka patiwarik ng tatay mo at hinampas ng dos por dos dahil naglaro ka lang ng dinikdik na bulaklak ng gumamela. mabuti na lang at hindi ako nakatikim ng dos por dos ng erpats ko dati. lol!
ibang klase ‘yung protagonist mo, pre. gasoline boy na high-brow! anlupet kaya ng the great gatsby. hehe.
After more than a month of reading and putting scores on each entry, FINALLY! Natapos din ang pa-contest. Salamat sa paglahok at pagsuporta sa aking munting patimpalak.
After more than a month of reading and putting scores on each entry, FINALLY! Natapos din! Salamat sa paglahok at pagsuporta sa aking munting patimpalak.
Astiging Gasoline boy.Ano balita kay Carla.